MANILA, Philippines - Hindi na hinintay ng isang ginang na mailuwal niya ang 9-buwang ipinagbubuntis makaraang magpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti dahil lamang sa matinding selos at hinalang may ibang karelasyon ang kanyang live-in partner sa loob ng kanilang bahay sa Parola Compound, Binondo, Maynila, iniulat kahapon.
Kinilala ni PO3 Rodel Benitez, ng Manila Police District-Homicide Section ang nasawing si Lorena Homeres, residente ng Gate 46, Area B, Parola Compound, Binondo.
Dakong alas-11:00 ng gabi, nang maganap ang pagpapatiwakal ng biktima.
Sa pahayag ng live-in partner na si Romulo Odang, may isang taon na silang nagsasama ni Homeres at kamakailan lamang ay naging madalas ang pagtatalo nila dahil sa pagseselos ng biktima at suspetsa na may ibang babae umano siya.
Ang mismong anak ng biktima, sa unang asawa ang nakatuklas na nakabigti ito gamit ang kable ng kuryente na itinali sa kisame ng kanilang sala.
Isinugod pa ni Romulo at mga kapitbahay sa kalapit na pagamutan ang biktima subalit idineklarang patay na nang idating.
Sa Maynila pa rin, isa namang mister ang nagpakamatay din sa pakiramdam na binabalewala naman siya ng kanyang misis.
Nagbigti rin sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga si Mark Paulo Aliga, 25, matapos umano na hindi pansinin ng misis na si Clarita Aliga.
Nadiskubre ng inang si Virginia Aliga ang nakabiting bangkay ng anak, gamit ang kumot na ipinulupot sa leeg dakong alas-6:45 ng umaga kahapon.