Manila, Philippines - “Maliliit na negosyo ang solusyon upang mahango sa kahirapan ang mga dukha nating kababayan.” Ito ang ipinahayag ng youth leader na si Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, bilang tugon sa malawakang kahirapan sa bansa.
Ito ang pahayag ni Aquino ang kanyang planong tumakbo bilang senador sa ilalim ng Partido Liberal.
Makasaysayan ang petsang napili ni Bam sa paglunsad ng kanyang planong lumahok sa senatorial race dahil kasabay nito ang ika-29 anibersaryo ng pagkapaslang kay ex-Senator Benigno “Ninoy” Aquino sa tarmac ng Manila International Airport.
Kilala si Bam sa pagsuporta sa mga may-ari ng maliit na sari-sari store sa pamamagitan ng Hapinoy Store Program na kanyang itinatag nang siya ay magbitiw bilang tagapangulo ng National Youth Commission sa loob ng apat na taong pagsisilbi.
Ang matagumpay na programang Hapinoy ay di lamang sa bansa kinilala kundi sa ibang bansa rin.
Ito’y naging awardee ng United Nations Project Inspire na nilahukan ng 400 entries mula sa iba’t ibang bansa kung saan pinarangalan din sa World Economic Forum sa Europa at nakatanggap ng parangal si Aquino bilang Young Global Leader.
“Kung ako’y papalarin, malaki ang aking maiaambag sa Senado dahil sa aking matagal na karanasan sa pagsisilbi sa mahirap nating mga kababayan,” dagdag pa ni Aquino.