Milyong halaga ng gatas, hinaydyak
Manila, Philippines - Isang 10-wheeler truck na naglalaman ng milyong halaga ng produktong gatas ang umano’y hinaydyak ng tatlong kalalakihang pulis sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, natangay ang nasabing pro dukto na may tatak na Alaska milk matapos na tutukan ng baril at igapos ng mga suspect ang driver at pahinante ng truck na sina Arnel Calo, 28; Dennis Galasig, 27; at Loriebert Aldobino, 28; pawang mga taga San Pedro Laguna.
Sa inisyal na ulat ni SPO1 Eric Lazo, nangyari ang hijacking sa may kahabaan ng Mindanao Avenue sa harap ng isang gas station sa Project 6, ganap na ala-1 ng madaling araw.
Ayon sa driver na si Calo, ang produkto ay inilabas nila mula sa San Pedro Laguna ganap na alas-11:30 ng gabi at nakatakda sana nilang ihatid sa Pampanga sakay ng Isuzu 10-wheeler truck nang makarinig siya ng busina habang binabagtas ang nasabing lugar mula sa isang motorsiklo sakay ang isang lalaki na naka-jacket at pormang pulis.
Pinara umano sila ng naka-motorsiklo saka pinatabi sa gilid ng na sabing lugar, bago bumaba ang una at pinabubuksan ang pinto ni Calo dahil sisiyasatin daw nito ang mga pahinante niya.
Pagkabukas ng pinto ni Calo ay biglang sumulpot ang dalawa pa sa kasamahan ng suspect saka tinutukan sila ng baril. Kasunod nito, iginapos sila ng mga suspect saka piniringan ang mga mata, bago sila itinago sa likuran ng upuan ng magkakapatong habang nakadapa.
Matapos ito ay pinaandar ng mga suspect ang truck ilang sandali pa ay naramdaman nila na huminto ang truck kung saan nagtagal sila doon ng may tatlong oras.
Makalipas ito ay muling umarangkada ang sasakyan at pagsapit sa Sampaloc Maynila ay saka iniwan ng mga suspect ang truck at mga biktima, pero wala na ang nasabing mga produkto.
Agad na humingi ng tulong ang mga biktima sa mga residente na nagdala sa kanila sa himpilan ng barangay, hanggang sa pulisya.
Ayon kay Lazo, posibleng sa pagkakahinto ng tatlong oras ng truck sa isang lugar ay idinidiskarga na ng mga suspect ang laman nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng CIDU sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending