Binata utas sa tandem
Manila, Philippines - Patay agad ang isang binata makaraang pagbabarilin ng riding in tandem suspect habang ang una ay naglalakad sa isang kalye sa lungsod Quezon kamakalawa. Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, nakilala ang nasawi na si Mark Liwag, 26, ng San Jose St., Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Agad namang tumakas ang mga suspect sakay ng isang XRM motorcycle matapos ang pamamaril. Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng San Pascual St., Brgy. Commonwealth ganap na alas-6:30 ng gabi.
Naglalakad umano ang biktima sa lugar nang biglang sumulpot ang suspect at pagbabarilin ng malapitan sa katawan ang una. Agad na nasawi sa lugar ang biktima, habang ang suspect ay mabilis na sumakay sa motorsiklo ng naghihintay na kasama at humarurot papatakas sa lugar.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations (SOCO), narekober sa lugar ang walong piraso at dalawang slug ng kalibre 45 baril na siyang pinanglikida sa biktima. Patuloy ang imbestigasyon ng CIDU sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending