Manila, Philippines - Hindi nasagip sa kapahamakan ng blue lane o motorcycle lane sa EDSA ang isang rider makaraang masawi nang mabundol ng isang trak na sumakop sa naturang lane, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Patuloy pang kinikilala ng mga awtoridad ang nasawing biktima na nakasuot ng asul na jogging pants, puting t-shirt, at light blue na long sleeve shirt. Nabatid na nagkalasug-lasog ang katawan at nadurog ang ulo nito sa naturang insidente.
Nadakip naman ang nakabangga na driver ng flatbed truck (XLR-776) na si Nicolas Cardenas na nahaharap ngayon sa kasong homicide thru reckless imprudence.
Sa inisyal na ulat na inilabas ng Pasay City Police-Traffic Management unit, pasado alas-10 ng umaga nang maganap ang insidente sa bahagi ng EDSA malapit sa Park Avenue sa naturang lungsod.
Ayon kay Cardenas, hindi umano niya napansin nang biglang sumulpot sa kanyang harapan ang motorsiklong Honda (8922-PU) na minamaneho ng biktima sanhi upang mabangga niya ito. Dito napailalim ang biktima at nakaladkad pa ang motorsiklo ng may 10 metro bago tuluyang nakapreno ang tsuper ng trak.
Sa kabila nang nakasuot ng crash helmet, nabatid na nawasak ito nang magulungan ng trak na dahilan ng agad na kamatayan ng biktima. Nabatid na dinala na ang labi ng biktima sa Rizal Funeral Homes upang dito kilalanin ng kanyang mga kaanak.