Bakeshop hinoldap, P9,000 kita natangay

Manila, Philippines -  Isang sangay ng Goldi­locks bakeshop ang hinoldap ng dalawang armadong kalalakihan matapos na mag­­kunwaring customer sakay ng isang motorsiklo sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.

Ayon kay Supt. Norberto Babagay, hepe ng Quezon City Police District Station 11, umaabot sa P9,000 ang natangay ng mga hindi pa nakikilalang holdaper sa na­turang bakeshop na mata­tagpuan sa no. 1 Victoria St., corner E. Rodriguez Sr., Boulevard sa lungsod ganap na alas 10:30 ng umaga.

Sa imbestigasyon, nata­ngay ng mga suspect na armado ng kalibre 38 at kalibre 45 baril sa bakeshop ang kita nito na halagang P9,000 mula sa cashier na si Christina Gomez, 25.

Pumasok umano ang dalawang suspect na pawang nakasuot ng itim na jacket, itim na cap, pantalon na uniporme ng security guard, at itim na body bag at nagkunwaring kustomer.

Sinabi ni Babagay, pag­lapit umano ng isa sa mga suspect sa cashier na si Gomez ay biglang naglabas ito ng baril at tinutukan ang cashier saka nagdeklara ng holdap.

Kasunod nito, pinagtabi ng mga suspect si Gomez at kasama nitong crew na si Jayson Teston, 27, bago tuluyang iginapos, at kinuha ang pera sa drawer.

Nang makuha ang pakay ay saka mabilis na lumabas ang mga suspect at suma­kay sa get away nilang motorsiklo at tumakas.

Dito na nagawang ma­ka­kawala sa pagkakagapos ang mga biktima saka humi­ngi ng tulong sa awtoridad.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insi­dente.

Show comments