Manila, Philippines - Agad na nasawi ang isang 16-anyos na binatilyo makaraang barilin sa mukha ng malapitan ng hindi pa nakikilalang salarin, kahapon ng madaling araw sa Navotas City.
Naisugod pa sa Tondo General Hospital ang biktimang si Ryan Yap, residente ng North Bay Blvd., sa naturang lungsod ngunit hindi na rin umabot ng buhay dahil sa tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa mukha.
Sa ulat ng Navotas City Police, naganap ang pamamaslang dakong alas-2 ng madaling araw sa kanto ng Lapu-Lapu Avenue at Road 10 sa North Bay Boulevard North. Nabatid na nakaistambay ang biktima at may hinihintay nang dumating umano ang hindi nakilalang suspect.
Tinawag pa umano ng salarin si Yap at sandaling nag-usap bago ito pinaputukan ng baril sa mukha. Agad na tumakas ang salarin makaraan ang pamamaril.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen at kung sino talaga ang hinihintay ng biktima sa naturang lugar.