MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang 42-anyos na ginang makaraang inguso ng isang babae na pinagbentahan niya ng batang babae sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni SPO1 Beng Galan, ng Women and Children Protection Desk ng Manila Police District-Station 3 ang suspect na si Marilyn Chavez, ng San Vicente, West Urdaneta, Pangasinan. Siya ay nakatakdang ipagharap ng kasong Child Trafficking sa Manila Prosecutor’s Office.
Sa reklamong inihain ng mag-asawang sina Reynaldo at Felna Acquiatan, iniwan lamang nila sa suspect ang anak na si Jessa May, 2, nitong Biyernes (Agosto 17) dakong alas-2:00 ng hapon at hindi na umano nakita pa.
Sa pahayag naman ni Barangay Kagawad Alvin Santos Tan, ng Brgy. 307, Zone 31, ng alas-8:15 ng gabi nang arestuhin nila sa ilalim ng LRT Carriedo Station sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila, ang suspect dahil sa pagbebenta ng bata sa halagang P1,000.
Una rito, humingi ng tulong ang isang Ana Torino, 23, ng Algeciras St., Sampaloc, hinggil sa pagbebenta sa kanya ng suspect ng batang babae kaya isinagawa ang entrapment , kung saan ipinahiram pa ni Tan ang marked money na P1,000 upang ipambayad sa suspect. Mismong ang suspect na rin ang naging susi upang matunton ang mga magulang ng bata, na positibong kumilala sa kanya na siyang tumangay sa kanilang anak.
Depensa ng suspect, naburyong lang siya matapos makipag-inuman dahil sa problema niya sa anak na babaeng 20-anyos na dinukot umano sa kanilang lalawigan nitong nakalipas na Pebrero ng apat kataong nakasuot ng bonnet.
Nagtungo umano siya sa Maynila upang maghanap at makakuha ng trabaho hanggang sa manuluyan pansamatala sa mag-asawang complainant.
“Naguluhan ang isip ko, tinangay ko siya para may mapaglibangan ako, akin na lang siya, bigla ko na lang naisip na ibenta ko yung bata,” anang suspect.