Taiwanese tiklo sa shabu, marijuana sa NAIA

MANILA, Philippines - Inaresto ng mga awtoridad ang isang Taiwanese national matapos nitong tangkaing magpuslit ng shabu at marijuana sa Ninoy Aquino Inter­national Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City nitong Sabado ng hapon.

Kinilala ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr. ang nasakoteng suspect na si Yao Wei-Teng, 49.

Ayon kay Cerbo, kasalu­kuyang pasakay na si Wei-Teng sa Cebu Pacific flight patungong Taipei, Taiwan nang madiskubre ng PNP-Aviation Security Group (PNP-ASG) ang hindi pa madeterminang dami ng shabu at marijuana sa bagahe nito dakong alas-2:20 ng hapon.

Sinabi ng opisyal na tinangka pang itago ng nasabing dayuhan ang ipupuslit sana nitong droga pero na­ging ma­agap ang mga nakaposteng security personnel ng PNP-AVG sa nasabing paliparan.

Agad namang inaresto ang nasabing Taiwanese at itinurn-over ng PNP-ASG sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sumailalim sa masusing imbestigasyon.

Kasalukuyan namang ina­alam ng mga awtoridad, ayon pa sa opisyal kung miyembro ng sindikato ng illegal na droga ang suspek.

Inihahanda na ang pagsa­sampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa naturang Taiwanese.

Show comments