MANILA, Philippines - Patay ang dalawang sapatero makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang puno ng acacia na nakatayo sa center island sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ni PO3 Rabindranas Sierra, Traffic Sector 2 ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU) ang mga nasawi na sina Berlito Rance, 31; at Alvin Castillo, 21, kapwa residente ng Purok 12, Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Nasawi ang mga biktima matapos na magtamo ng matinding pinsala sa kanilang katawan at ulo.
Naganap ang aksidente sa may Don Mariano Marcos Avenue sa tapat ng Jordan Plains Subd., Brgy. Sta Monica ganap na alas- 11:35 ng gabi.
Sinasabing sakay ng isang motorsiklo (4627 UQ) ang dalawang biktima at matuling tinatahak ang naturang lugar ng bigla na lamang itong nawalan ng kontrol at magpagewang-gewang.
Dahil sa bilis, sumampa ang motorsiklo sa center island hanggang sa salpukin nito ang nakatayong puno ng acacia dito.
Sa lakas ng impact, nawasak ang motorsiklo dahilan para magtamo ng matinding pinsala sa katawan ang mga biktima at masawi.