MANILA, Philippines - Matinding kamalasan ang sinapit ng isang 37-anyos na lalaki makaraang masawi nang tamaan ng ligaw na bala buhat sa baril na pinag-aagawan ng isang negosyante at isang buko vendor sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Naisugod pa sa San Juan De Dios Hospital si Moises Romero, ng Virata St., Pasay ngunit nalagutan din ng hininga habang nilalapatan ng lunas dahil sa tinamong tama ng bala ng kalibre .45 sa tiyan.
Isinugod naman sa Pasay City General Hospital ang buko vendor na si Rexford Fallore, 30, makaraang madaplisan din ng bala sa ulo.
Arestado naman ang suspek na si Lemuel Castillo, mister ng Brgy. Chairwoman ng Brgy. 149 Zone 16 na si Rosalie Castillo.
Sa ulat ng Pasay City Police, sakay ng isang pedicab ang suspek na si Castillo kasama ang biyenan na si Roman Bosa, 51, dakong alas-8:30 kamakalawa ng gabi nang sigawan at sitahin ng vendor na si Fallore sa may Edang St. nang masanggi ang kariton nito.
Bumaba sa pedicab si Castillo at kinompronta si Fallore hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo. Dito na umano nagbunot ng dalang baril ang suspek at paputukan si Fallore na nadaplisan sa ulo. Nagawa pang mahawakan at makipag-agawan ni Fallore sa baril na muling pumutok at minalas na tinamaan si Romero na nasa lugar.
Naawat naman ng biyenan at ng pedicab driver na si Elizardo Paasa, Sr. ang pambubuno ng dalawa at maagaw ang baril. Agad naman sumuko sa mga awtoridad si Castillo na ikinatwiran na ipinagtatanggol lamang niya ang kanyang sarili.