Pulis dedo sa tandem

MANILA, Philippines - Muli na namang nalusutan ng mga kriminal na “riding-in-tandem” ang Pasay City Police makaraang isang opisyal ng Southern Police District (SPD) ang masawi nang pagbabarilin ng dalawang armadong suspek, kahapon ng hapon sa Pasay City.

Inisyal na nakilala ang nasawing pulis na si Police Insp. Virgilio Tinglao, nakatalaga sa Tactical Operations Center ng SPD Headquartes sa Fort Bonifacio, Taguig City. Sa inisyal na ulat ng Pasay Police, naglalakad mag-isa dakong ala-1:30 ng hapon sa Solitaria Street sa harapan ng isang junk shop ang biktima nang huminto­ sa harapan nito ang isang motorsiklo lulan ang dalawang salarin.

Agad umanong pinagbabaril ng nakaangkas na salarin ang biktima gamit ang hindi pa mabatid na ka­libre ng baril. Nang matiyak na wala nang buhay, agad na nagsitakas ang dalawang suspek tungo sa hindi mabatid na direksyon. Hindi pa naman mabatid ng mga imbestigador ang motibo ng pamamaslang kung saan isinaisantabi ang anggulong pagnanakaw dahil sa wala namang tinangay sa mga gamit ng nasawing pulis. Patuloy naman ang imbestigasyon ng Pasay City Police kung saan aalamin kung may natatanggap na pagbabanta sa buhay ang biktima at kung may mga nakaaway ito sa kanyang serbisyo bilang pulis o personal.

Show comments