MANILA, Philippines - Tatlo na namang mga holdaper ang bumulagta nang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga pulis makaraang mangholdap sa isang dyip sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.
Inilarawan ni PO3 Rodel Benitez, ng MPD-Homicide Section, ang isa sa mga nasawi na 5’ hanggang 5’1’’ ang taas, payat, may tattoo sa leeg ng “Bahala na Gang”, naka-tsinelas na puti at armado ng kalibre .45; ang pangalawa naman ay may taas na 5’1’’ hanggang 5’2’’, may tattoo sa kanang kamay na apat na bola na ang kahulugan umano ay “Bahala na Gang”, nakasuot ng kulay itim na pantalon, green na t-shirt, orange na sombrero at may dalang kalibre .38 habang ang pangatlong suspect ay may taas sa pagitan ng 5’2’’ hanggang 5’4’’, katamtaman ang pangangatawan, may tattoo na “Bandola” sa kaliwang leeg at armado ng kalibre 38. Pawang nasa edad na 35-37-anyos ang mga nasawi.
Naganap ang insidente dakong alas-12:55 ng hapon sa ibabaw ng Dimasalang bridge sa Sta. Cruz, Manila.
Nauna ito, nagsasagawa ng Anti-Crime Patrol ang mga kagawad ng MPD-Station 3 (Sta. Cruz) sa pamumuno ni SPO3 Rowel Robles nang lapitan sila ng mga biktimang sina Crispin Mendoza, 28,; Christopher Manalili, 38 at Dennis Lara, 28, pawang residente ng Lope de Vega St., Sta. Cruz, Maynila dahil sa panghoholdap sa kanila sa loob ng pampasaherong dyip.
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis kung saan namataan ang tatlo na naglalakad sa ibabaw ng tulay ng Dimasalang na sinita ng mga una subalit agad silang pinaputukan ng tatlo hanggang sa gumanti ang mga pulis at nagresulta sa kamatayan ng mga suspect.
Personal namang itinuro ng mga biktima ang mga suspect na nagkunwaring mga pasahero at lumimas ng kanilang mga mahahalagang gamit at cash habang sakay sila ng dyip na Quiapo-Dimasalang.