MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalaki ang nadiskubre na kasama sa kumpol ng basura na nahigop ng pumping station sa Quiapo, Maynila, kahapon ng umaga. Inilarawan ang bangkay sa pagitan ng 30-35 anyos, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng kulay puting t-shirt na may tatak na “Tau Gamma Phi” at itim na pantalon.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas- 11:20 ng umaga nang madiskubre ang nakadapang katawan ng lalaki kasama nang nahigop na mga basura sa loob ng Metro Manila Development Authority (MMDA) flood control pumping station na nasa Palanca St., Quiapo.
Ayon kay Jerry Javoli, 53, isang utility, kinokolekta niya ang mga basura mula sa estero gamit ang isang trash reek nang napansin nito ang katawan ng biktima na nakadapa kasama sa kumpol ng basura.
Sa inisyal na pagsusuri ng pulisya, may dalawang sugat sa kaliwang tenga ng biktima na hinihinalang tama ng bala. Posibleng matapos barilin ay itinapon ito sa estero na nahigop lamang ng pumping station kasama ng mga basura.