500 sako ng bigas hindi pinakinabangan ng evacuees
MANILA, Philippines - Napilitang hindi ipamudmod ng pamahalaang lungsod ng Taguig sa libu-libong evacuees ng baha ang 500 sako ng bigas na nabili nila sa isang trader ng National Food Authority (NFA) makaraang matuklasan na nabubulok na ang mga ito.
Sa halip na ipakain sa mga evacuees, plano ng pamahalaang lungsod na isauli ang nabiling saku-sako ng bigas sa NFA at pagpaliwanagin ang ahensya sa kapalpakan.
Sinabi ni Mayor Lani Cayetano, natuklasan ng kanyang mga tauhan na napakabaho ng mga bigas na idiniliber sa kanila ng isang malaking trader mula sa San Pedro, Laguna na may akreditasyon buhat sa NFA.
Nang buksan ang mga sako, nadiskubre na labis na naninilaw na ang mga bigas. Limang hugas na umano ay hindi pa rin natatanggal ang masangsang na amoy.
“Hindi lang po basta tayo makapagbigay, kundi ano ba yung klase ng ating ibinibigay. Di ako kuntento na basta lang makapagbigay ng bigas pero 5 hugas na hindi pa rin matanggal ang amoy,” ani Cayetano.
Base sa tatak ng sako, nabatid na ang mga bigas ay bahagi ng importasyon noong 2010 ng NFA ng mga bigas buhat sa Korea.
Nang maipadala naman sa kanila ang sampol ng bulok na bigas, inamin ng NFA na hindi na “fit for consumption” ito. Posible umano na bahagi pa ng importasyon noong 2009 ang mga bigas na naikalat nila sa kanilang mga trader na iniimbak ng matagal.
- Latest
- Trending