Van na puno ng sardinas, hinaydyak
Manila, Philippines - Isang delivery van na puno ng sardinas ang natangay ng limang armadong lalaki, isa rito ay naka-uniporme ng PNP Highway Patrol Group, kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4 ng madaling-araw nang harangin ang 6-wheeler delivery van (DAE-122) na minamaneho ni Christopher Morales, 46, ng isa sa mga suspect na naka-uniporme ng PNP Highway Patrol Group at lulan ng isang motorsiklo sa may Osmeña Highway sa Makati.
Unang hiningi ng nagpakilalang pulis ang lisensya ni Morales habang biglang sumulpot ang apat pang armadong lalaki na nakasakay naman sa isang closed van. Dito tinutukan ng mga hijacker si Morales at dalawang pahinante nito na sina Franklin Ballierbare, 31; at Hared Gallardo, 30, saka piniringan at iginapos.
Ibinaba ng mga salarin ang tatlong biktima sa C-5 Extension sa Las Piñas City saka tinangay ang kanilang sasakyan sa hindi mabatid na direksyon. Agad namang nasaklolohan ng mga dumaraang taumbayan ang mga biktima.
Nabatid na may lamang 349 kahon ng sardinas ang tinangay na van na idideliber sana ng mga biktima sa Parañaque City.
- Latest
- Trending