Manila, Philippines - Arestado ang limang miyembro ng kilabot na ‘Estribo Gang’ ilang minuto makaraang holdapin ng mga ito ang isang pampasaherong jeep sa kahabaan ng Araneta Avenue lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Supt. Norberto Babagay, hepe ng Quezon City Police Galas Station 11, nakilala ang mga suspect na sina Jerico Huganas, 25; Ronnie Reyes, 27; Rocky Timonera, 31; Rey Llave, 35; at Cesar Ambion Jr., 26. Habang nakatakas naman ang isa pang kasamahan nito.
Ayon kay Babagay, sinundan na nila ang ikinikilos ng mga suspect makaraang makatanggap ng impormasyon na aatake ang mga ito sa isang pampasaherong jeepney.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Quezon Avenue corner G. Araneta Avenue, Brgy. Sto. Domingo sa lungsod ganap na alas-12:30 ng madaling-araw.
Sinasabing nagkunwaring mga pasahero ang mga suspect at sumakay sa jeep na patungong Quiapo. Pagsapit sa nasabing lugar ay biglang naglabas ng patalim ang mga suspect at nagdeklara ng holdap. Agad na sinamsam ang mga kagamitan ng apat na pasahero ng jeepney at nang makuha ang kanilang pakay ay mabilis na nagsipagbabaan sa PUJ at nagtatakbo papatakas patungo sa Brgy. Tatalon.
Sinabi pa ni Babagay, nang magdeklara ng holdap ay nakamasid na sila, pero nakialam umano ang barangay tanod at nagpaputok kung kaya nagsipagtakbuhan ang mga suspect, gayunman agad din silang naaresto, subalit nakatakas ang isa pa. Narekober din ang ilang gamit ng mga biktima sa mga suspect.