MANILA, Philippines - Umapela si Manila Mayor Alfredo S. Lim sa mga residente ng lungsod na makiisa sa kalinisan at pagpapaganda ng lungsod matapos ang unos dulot ni Habagat.
Ang pahayag ni Lim ay kasunod na rin ng ilang araw na pagbaha na nagresulta ng pagkakatambak ng mga basura sa iba’t ibang lugar sa Maynila.
Ayon sa alkalde, pinagtutuunan nila ng pansin ngayon ang paghakot ng basura mula sa tatlong araw na pag-ulan. Aniya, double-time ngayon ang mga tauhan ng city hall upang maging mabilis ang paglilinis sa mga lugar na binaha ng todo.
“Sana ay tumulong naman ang bawat isa sa atin. Kailangan may citizen involvement sa problemang ito. Di pupuwede na iasa lahat sa gobyerno,” ani Lim.
Kasabay nito ay umapela rin ang alkalde sa mga punong barangay na pangunahan ang paglilinis ng paligid.
“Sa ating mga barangay chairmen na katuwang natin sa paglilinis ng barangay, sila po sana ang manguna, ireport lang po sa amin kung may mga basura pa sa lugar nila na hindi pa nadadaanan ng trak natin,” dagdag pa ni Lim.
Samantala, nagtungo si Lim sa Damka area sa Sta. Mesa kung saan namigay ito ng gift packs at financial assistance sa may 2,000 residents na dumanas din ng matinding pagbaha.