Exam sa pagpupulis, gagawing 'automated'
MANILA, Philippines - Upang maiwasan umano ang dayaan, plano sa susunod na taon ng National Police Commission (Napolcom) na gawing “automated” na rin ang mga ibinibigay nilang eksaminasyon para sa mga nais maging pulis o para sa promosyon.
Sinabi ni Napolcom Vice Chairman Eduardo Escueta na posibleng maipatupad na sa Abril 2013 ang “automated examinations” na nangangahulugan na “computer-aided” na ang mga pagsusulit na kanilang ibibigay.
Ipinaliwanag nito na mag-iimbak sila ng higit sa 2,000 tanong sa computer data base na lilitaw ng “random” sa pagsusulit ng bawat aplikante at mga kasalukuyang pulis.
Kabilang sa mga eksaminasyon na isasailalim sa “automation” ay ang PNP Entrance and Promotional Examinations at ang Police Executive Service Eligibility (PESE) examinations.
Una na nilang ipinatupad ang “Online Examination Application Scheduling System (OLEASS) na unang hakbang sa kanilang “automation process”. Sa pamamagitan umano nito, naiwasan na ngayon ang mahabang pila ng mga aplikante lalo na sa kanilang regional offices dahil sa maaaring mag-aplay na sa pamamagitan ng internet ang mga nais magpulis o pulis na nais ma-promote.
Tinataya namang nasa 41,815 aplikante ang kukuha ng eksaminasyon sa Oktubre 14 kung saan 20,195 dito ay mga aplikante sa pagpupulis habang nasa 21,620 ay mga pulis na nais mapromote sa susunod na ranggo.
- Latest
- Trending