Kuliglig driver, dedo sa tandem

MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi pa nakikilalang miyembro ng riding in tandem ang isang 39-anyos na kuliglig driver habang naghihintay ng pasahero sa Tondo, Maynila kahapon.

Dead on arrival sa Metropolitan Hospital ang biktimang si Alex Hilario, may-asawa ng no. 1507 Tindalo St. Tondo, Maynila sanhi ng  tama ng bala sa mukha at tagiliran.

Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng mga lalaki na lulan ng itim na motorsiklo at hindi naplakahan na mabilis tumakas matapos ang insidente.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ni SPO2 Amelito Lopez ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 11:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa panulukan ng Mayhaligue at Abad Santos St. Tondo, Maynila.

Nabatid na naghihintay ng pasahero ang biktima sa naturang lugar nang sumulpot ang mga suspect at walang sabi-sabi na pinaputukan ang biktima.

Mabilis namang isinugod ng kanyang kaibigan na si Alyas Leklek ang biktima ngunit binawian ito ng buhay.

Inaalam na ng awtoridad kung ano ang motibo sa naganap na insidente.

Show comments