MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng isang pamilya ang pawang nasawi habang kritikal naman ang isa pa makaraang pagbabarilin ng umano’y dating kapitbahay sa kanilang bahay, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Agad na nasawi dahil sa tinamong mga tama ng bala ng kalibre .45 baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktimang sina Prudencio Torres, misis na si Milagros at anak na si Marjorie, pawang mga naninirahan sa Phase 7, Bagong Silang, ng naturang lungsod.
Isinugod naman sa ospital si Jonalyn, 13 na nasa kritikal na kalagayan.
Isa naman sa mga suspect na nakilalang si Charlie Balboa, dating kapitbahay ng biktima ang itinuro ng mga testigo.
Posible umano na may iba pa itong kasamahan na iniimbestigahan ngayon ng mga otoridad.
Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-5 ng madaling-araw nang pasukin ng mga salarin ang bahay ng pamilya Torres at pagbabarilin habang nakahiga.
Agad na nagsitakas ang mga salarin makaraan ang krimen.
Sa maigsing panayam kay Jonalyn, sinabi nito na may nakaaway ang kanyang ama na pinagbantaan na papatayin dahil sa away sa kuryente sa kanilang lugar.
Sinabi ni Caloocan Police chief, Sr. Supt. Jude Santos, na may naka-blotter rin sa kanila na pinagpupukpok ni Prudencio ng bakal sa ulo ang anak ng suspect na si Balboa limang buwan na ang nakalilipas.
Kanilang nakilala rin ang suspect dahil sa ginamit na motorsiklo ng salarin sa pagtakas.
Nakatakda namang bigyan ng seguridad ng pulisya ang nakaligtas na si Jonalyn at ang mga testigo na lumantad sa naturang kaso.