Holdaper todas sa parak

MANILA, Philippines - Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang napatay ng mga tauhan ng Manila Police District station 2 matapos na mang­holdap kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Dead-on-the-spot ang suspect na walang pagkakaki­lanlan bagama’t isinalarawan na nasa edad pagitan ng 19-23, may taas na 5’-5’3’’, katamtaman ang pangangatawan, may tattoo sa kanang braso na “James” at flaming heart naman sa kaliwang braso at nakasuot ng maong na pants at checkered na polo shirt.

Naibalik naman sa biktima ng holdap na si Joy Sales, 19, ng Tondo, Maynila, ang bag nitong naglalaman ng Samsung cellphone at cash.

Batay sa paunang ulat na isinumite ni SPO2 Milbert Ba­linggan ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-12:00 ng madaling-araw kahapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Road 10 corner Zaragosa St., Tondo, ng nasabing lungsod.

Nakatayo sa naturang lugar ang biktima nang bigla na lamang lapitan ng kawatan at tutukan ng baril, at pilit kinukuha ang pouch bag nito na naglalaman ng nasabing mga kagamitan at pera.

Wala namang takot na sumigaw at humingi ng tulong ang biktima at sakto naman na may mga nagpapatrulyang mga miyembro ng Delpan Police na agad rumesponde at hinabol ang papatakas na suspect.

Imbes na sumuko pinaputukan pa nito ang mga awtoridad­ na gumanti na rin ng putok na ikinatama nito at ikinamatay.

Show comments