MANILA, Philippines - Dahil sa patuloy na pagbuti ng panahon kung kaya inalis na ang alert level sa Marikina river kahapon ng tanghali.
Ayon kay Marikina City Vice Mayor Jose Cadiz, ganap na alas-12:00 ng tanghali nang alisin nila ang alert level makaraang bumaba sa 14.9 meters ang level ng tubig sa ilog.
Aniya, itinataas nila ang alarma o alert level 1, kapag ang tubig sa ilog ay umakyat ng 15 meters. Kapag, umakyat naman sa 17 meters ang tubig ay ipinatutupad na nila ang boluntaryong paglilikas at kung tutunton naman sa 19 meters ay isasagawa na nila ang ‘force evacuation’.
Itinanggi rin ni Cadiz na kaya madaling tumaas ang baha sa Marikina ay dahil sa ipinakakalat ng iba na nabutas ang pader ng dam sa Marikina river.
“Hindi totoo na may nasirang pader sa dam ng Marikina River. Tumataas ang tubig dahil sa lakas lang talaga ng ulan,” ani Cadiz.
Sa ngayon aniya, ay abala sila, katuwang ang rescue 161 ng lungsod at iba pang Non Governmental Organization (NGO) at mismong residente sa paglilinis ng kalsada sa kanilang lugar.
Tulad ng maraming lugar sa Metro Manila, puno rin ng basura ang lahat ng kalsada sa lungsod makaraang humupa ang baha.