Nepalese timbog sa 1.8 kilo ng shabu sa NAIA

MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ni Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon ang isang Nepal national matapos makum­piskahan ng mahigit isang kilo ng shabu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 sa Pasay City kamakalawa ng gabi.

Sa isinumiteng report ni NAIA Customs District Commander Marlon Alameda kay Bureau of Customs (BoC) Com­missioner Ruffy Biazon, kinilala ang suspek na si Sun Bahadur Tamang, 45-anyos.

Ayon sa report, naganap ang pag-aresto dakong alas-7:00 ng gabi sa Centennial Terminal 2, NAIA, Pasay City.

Nabatid na sakay ang suspek ng flight PR731 na nagmula sa Bangkok at paglapag nito ng naturang paliparan, habang nagsa­sagawa ng inspection sa mga bagahe sina Legal and Investigation Custom police Byron Carbonell at Richie Roy Beldia, napuna nila ang kahina-hinalang kinikilos ng naturang da­yuhan.

Dito napansin nina Carbonell at Beldia sa x-ray machine ang kahina-hinalang bagahe ng naturang suspek at ng kanila itong beripikahan ay tumambad sa kanila ang pinaghihinalaang shabu na nasa 1.874 kilos na tinatayang nasa mahigit milyong pisong­ halaga.

Dahil dito ay kaagad na dinakip ang suspek na si Tamang at kinum­piska dito ang dala nitong droga upang i-turn-over sa Philip­pine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa ngayon ay sumasailalim sa interogasyon ang dayuhang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa dito.

Dahil sa sunud-sunod na naging accomplishment ng nabanggit na mga Customs police, pinuri ang mga ito ni Biazon.

Show comments