Nepalese timbog sa 1.8 kilo ng shabu sa NAIA
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ni Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon ang isang Nepal national matapos makumpiskahan ng mahigit isang kilo ng shabu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Sa isinumiteng report ni NAIA Customs District Commander Marlon Alameda kay Bureau of Customs (BoC) Commissioner Ruffy Biazon, kinilala ang suspek na si Sun Bahadur Tamang, 45-anyos.
Ayon sa report, naganap ang pag-aresto dakong alas-7:00 ng gabi sa Centennial Terminal 2, NAIA, Pasay City.
Nabatid na sakay ang suspek ng flight PR731 na nagmula sa Bangkok at paglapag nito ng naturang paliparan, habang nagsasagawa ng inspection sa mga bagahe sina Legal and Investigation Custom police Byron Carbonell at Richie Roy Beldia, napuna nila ang kahina-hinalang kinikilos ng naturang dayuhan.
Dito napansin nina Carbonell at Beldia sa x-ray machine ang kahina-hinalang bagahe ng naturang suspek at ng kanila itong beripikahan ay tumambad sa kanila ang pinaghihinalaang shabu na nasa 1.874 kilos na tinatayang nasa mahigit milyong pisong halaga.
Dahil dito ay kaagad na dinakip ang suspek na si Tamang at kinumpiska dito ang dala nitong droga upang i-turn-over sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa ngayon ay sumasailalim sa interogasyon ang dayuhang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa dito.
Dahil sa sunud-sunod na naging accomplishment ng nabanggit na mga Customs police, pinuri ang mga ito ni Biazon.
- Latest
- Trending