MANILA, Philippines - Ipinahayag ni Manila Social Welfare Department chief Jay dela Fuente na umaabot na sa 80 porsiyento ng mga paaralang ginamit na evacuation centers ang nilisan na ng mga evacuees.
Ayon kay Dela Fuente, may kautusan si Manila Mayor Alfredo Lim na bigyan ng kailangan tulong ang mga evacuees na nananatili sa evacuation centers at mga bumalik na sa kani-kanilang bahay.
Sinabi ni Dela Fuente na ginawa ng city government ang lahat ng paraan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga residenteng nasalanta ng Habagat.
Samantala, tuluyan nang humupa ang tubig-baha sa Lagusnilad at maging sa paligid ng Manila City Hall.
Ayon kay city engineer Armand Andres kailangan na mahigop ang tubig upang may madaanan ang mga motorist matapos ang walang humpay na pag-ulan.
Inaasahan namang magiging passable ang Recto underpass sa susunod na tatlong araw.