MANILA, Philippines - Sa loob ng tatlong araw, umaabot sa P5 milyon ang kabuuang halaga ng napinsala sa Rizal Park matapos ang paghagupit ng hanging Habagat.
Ayon kay National Parks Committee Executive Director Juliet Villegas, mula sa 52 ektaryang lupain ng Luneta naapektuhan dito ang may limang ektarya.
Sinabi ni Villegas na aabutin ng isang buwan ang pagsasaayos ng Rizal Park bago ito maibalik sa dating kagandahan.
Dagdag pa ni Villegas, isang linggo naman ang gugugulin nila sa paglilinis sa tambak na basura at kapal ng putik na tumambad sa Luneta.
Ani Villegas, hindi biro ang tambak ng basurang naiwan ng baha kung kaya’t kailangan ang puspusang paghakot nito.
Nabatid na kahapon lang din nagsimula ang paglilinis sa Luneta dahil gumanda na ang panahon at humupa na ang tubig-baha dulot ng Hanging Habagat kung saan umabot hanggang dibdib ang pambansang pasyalan.