MANILA, Philippines - Posibleng tumagal pa ng tatlong araw bago tuluyang matanggal ang tubig-baha sa ilang lugar sa lungsod ng Maynila kabilang na ang Lagusnilad at Recto underpass.
Ito ang sinabi ni Manila Disaster Risk Reduction Council (MDRRC) executive director at City Administrator Jesus Mari Marzan kaugnay ng pagsisimulang mopping operations sa mga lugar na binaha nang todo dahil sa habagat.
Dakong alas-4 ng madaling-araw nang simulan ang paghigop sa tubig-baha ng Bureau of Fire Protection (BFP), City Engineering Office at ang Metropolitan Manila Development Authority(MMDA).
Kahapon ay personal ding pinangasiwaan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pagtatanggal ng tubig-baha na naipon sa ilalim ng Lagusnilad at Recto underpass upang agad na madaanan ng mga motorista.
Ayon kay Lim, dahil sa maraming lugar sa lungsod ng Maynila ang binaha ay nagdeklara na rin siya ng state of calamity para mapayagan ang mga barangay chairman na magamit ang kanilang mga pondo para matulungan ang kanilang nasasakupan.
Inaabisuhan naman ni Marzan ang mga motorista o mga light vehicles na iwasan pansamantala ang mga bahang lugar habang hindi pa naaalis ang tubig-baha.
Samantala, tiniyak nni Marzan na tuluy-tuloy ang tulong at pagpapadala ng pagkain sa mga evacuation centers para sa mga inilikas na Manilenyo. Gayunman, sa paghupa ng tubig-baha kahapon, unti-unti na rin nagbabalikan sa kani-kanilang mga tahahan ang mga evacuees.