P5-milyon halaga ng gulong kinardyak
MANILA, Philippines - Isang delivery truck na naglalaman ng aabot sa P5 milyong halaga ng gulong ang hinaydyak ng pitong armadong kalalakihan habang bumibiyahe sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Ito ang nabatid makaraang dumulog sa himpilan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District ang mga biktima na sina Benjamin Cutal, 43; Diosdado Bilolo, 30 at Bryan De Guzman, 30 pawang mga empleyado ng Ariola Trading Corporation makaraang matangay ang dala nilang 14-wheeler truck (TXA-611).
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Gilmore Avenue sa lungsod ganap na alas-4:30 ng madaling araw.
Ayon kay Quisumbing, binabagtas ng mga biktima ang nasabing lugar nang harangin sila ng pitong armadong lalaki na sakay ng isang kulay puting van.
Mula dito ay tinutukan ng baril ng mga suspect ang mga biktima saka pinababa sa truck bago iginapos at isinakay sa bahaging likuran ng truck at tinakpan ng tarpaulin.
Matapos ito ay minaniobra na ng mga suspect ang truck at ilang oras na nagpapaikot-ikot sa Maynila.
Habang bumibiyahe ay nagtulungan naman ang mga biktima sa pagkalas ng kanilang mga gapos sa kamay at tuluyang nakatakas nang ma-stranded sa baha ang kanilang truck sa bahagi ng Sta.Cruz, Maynila. Agad na humingi ng tulong sa Manila Police District ang mga biktima na nagdala naman sa kanila sa himpilan ng CIDU.
Natangay mula sa mga biktima ang may P5 milyong halaga ng Bridgestone na gulong na dadalhin sana nila sa isang warehouse sa Cainta, Rizal. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
- Latest
- Trending