4 coed pinagtripan, ginulpi

MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang dinakip ng pulisya makaraang gulpihin ng mga ito ang apat na babaeng estudyante ng University of Makati (UMAK) kamakalawa ng gabi.

Nakakulong ngayon sa Makati City Police detention cell ang mga suspek na sina Dominador Acob III, 22, ng Brgy. West Rembo ng nabanggit na lungsod at Ferdinand Bartolome, 20.

Samantala, nagtamo naman ng mga sugat ang mga biktima na sina Aileen Patigon, 19; Ann Lorraine Dajutay, 19; Rodessa Caray, 20, at Rennezza Delfin, 31, ay pawang mga estudyante ng UMAK.

Sa imbestigasyon ni P03 Ronald Peñaranda ng Station Investigation Division (SID), Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:15 ng gabi sa kahabaan ng J.P. Rizal Extension, Brgy. West Rembo ng nabanggit na siyudad habang ang mga biktima na galing­ sa paaralan ay naglalakad sa naturang lugar nang makasalubong ang mga suspect na unang su­migaw sa mga estudyante.

Dito sumagot ang mga biktima kung saan nagalit ang mga suspek at pinagsusuntok nito ang apat na kababaihan. Dahil dito humingi ng tulong ang mga biktima sa barangay, dahilan upang madakip ang mga suspek hanggang sa dumating ang mga pulis at dinala ang mga ito sa Makati City Police Station.  

Show comments