MANILA, Philippines - Nabubulok na ang bangkay ng isang babae na walang saplot sa katawan at nakalaylay ang dila dahil sa pagkapulupot ng electrical cord sa leeg saka inilagay sa sako nang matagpuan sa isang eskinita sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Aminado si SPO2 Virgo Villareal, ng Manila Police District-Homicide Section na nahihirapan silang ilarawan ang biktima dahil sa nasa advance state of decomposition na ito, maliban pa sa walang damit na maaaring pagbatayan ng kaanak upang ito ay kilalanin. Gayunman, nilarawan ito sa edad na 20-25; nasa 5 talampakan ang taas; at maikli ang buhok.
Dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang madiskubre ng isang Bony Rosalez, residente sa lugar ang isang sako na inakalang naglalaman ng mabahong basura sa isang eskinita sa Capulong sa Sta. Ana, Maynila.
Batay sa inisyal na pagsusuri, posibleng ginahasa ang biktima dahil sa nakitang likido na lumalabas sa ari nito bago pa ito binigti gamit ang 19 inches na electrical cord.
Hindi umano bababa sa 5 araw nang patay ang biktima dahil sa kondisyon ng bangkay na nangingitim at maga na.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente para matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at madakip ang mga salarin.