MANILA, Philippines - Muling sumalakay ang grupo ng carjacker sa lungsod Quezon, makaraang isang Asian Utility Vehicle (AUV) na pag-aari umano ng isang empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang tinangay, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District-Station 10, ang kinarjak na sasakyan ay ang kulay pulang Mitsubishi Adventure (TKQ-376) na pag-aari ni Jessie Narvaez, 43, BIR employee.
Nangyari ang insidente sa harapan ng Alliance Church katabi ng tanggapan ng BIR na matatagpuan sa kanto ng Quezon Avenue at Scout Santiago St. sa lungsod, ganap na alas-9 ng umaga.
Sinasabing habang nakaparada ang sasakyan ay nasa loob ang driver ni Narvaez na si Nestor Alcantara at nagpapahinga.
Ilang sandali, bigla umanong dumating ang apat na lalaki na pawang armado ng kalibre 45 na baril saka kinatok si Alcantara.
Nang buksan umano ni Alcantara ang bintana ng sasakyan ay bigla siyang tinutukan ng baril ng isa sa mga suspect saka inutusang umupo sa passenger seat bago tinangay papalayo ng mga huli.
Pagsapit umano sa North Luzon Expressway (NLEX) at papalabas ng Marilao Exit sa Bulacan ay biglang itinulak ng mga suspect palabas ng sasakyan ang biktima saka iniwan sa lugar.
Inilagay na sa alarma ng QCPD ang nasabing sasakyan sa buong kapulisan para sa posibleng pagrekober dito.