MANILA, Philippines - Isang negosyante at kasamahan nitong babae ang inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ginawang anti-narcotics operation kung saan nakumpiska ang isang kahon ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P1.1 milyon sa Parañaque City, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga suspects na sina Joel Ng, 48, negosyante ng Muñoz St. Carmel 5 Subdivision, Tandang Sora, Quezon City; at Marylou Gumban, 36, ng Villamor Airbase, Pasay City.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez, Jr. ang operasyon ay isinagawa sa may parking area sa panulukan ng LC Gatches at Kalaw Sts, Brgy. BF Homes, Parañaque City, ganap na alas-7:30 ng gabi.
Isang poseur buyer mula sa PDEA ang nagkunwaring bibili ng droga sa mga suspect kung saan matapos na i-abot ng mga huli ang 400 ampoules ng Nalbin (nalbuphine), 6,400 pieces ng Valium (diazepam) tablets, at 400 ampoules ng Dormicum (midazolam) ay saka sila inaresto.
Bukod sa droga, nakuha din sa mga suspect ang isang cellular phone at sports utility vehicle na ginagamit nila sa illegal drug transactions.
Ayon kay Gutierrez, ang mga nakumpiskang items (nalbuphine, diazepam at midazolam) ay kabilang sa listahan ng dangerous drugs sa ilalim ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, dahil sa seryosong epekto nito sa utak ng tao kapag inabuso.