2 sasakyan sinalpok ng tren; 11 sugatan

MANILA, Philippines - Labing-isa katao ang nasugatan makaraang mabangga at makaladkad ng isang tren ang dalawang sasakyan sa bahagi ng Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng umaga.

Nabatid sa inisyal na ulat, dakong alas-9:10 ng umaga nang mangyari ang insidente sa harap ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Maynila.

Sinabi sa ulat na may naunang dumaan na tren ng PNR at dahil sa hindi umano gumagana ang railroad crossing gate o harang sa tuwing may dumadaan na tren, tumatawid   ang Toyota Echo (WTC-735), habang kasunod nito ang L300 FB (ZSN-292) kahit umano naririnig pa ang sirena sa pag-aakalang sirena pa ito ng unang dumaang tren. Nabangga ng ikalawang tren na nagmula sa Alabang pa­tungong Tutuban, ang Toyota Echo at ito naman ang nakabangga at sumabit sa L-300 at kinaladkad ito hanggang sa tumilapon sa gilid ng riles at tumaob ang Toyota.

Pawang mga galos at sugat lamang ang tinamo ng mga sakay ng dalawang kotse dahil sa pagtilapon ng kanilang sinasakyan.

Samantala, patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente upang matukoy kung sino ang dapat managot sa pangyayari.

Show comments