2 paslit inabandona ng ina sa palengke
MANILA, Philippines - Nasa pangangalaga na ngayon ng lokal na Social Welfare and Development ng Parañaque City ang isang 2-anyos na batang lalaki at kapatid na 11-buwang sanggol na babae na inabandona ng kanilang ina sa isang palengke sa lungsod.
Sa ulat ng Regional Public Service Battalion ng National Capital Regional Police Office, inabandona ng hindi pa nakikilalang ina ang dalawang paslit nitong Hulyo 31 sa kasagsagan ng bagyong Gener sa loob ng SLEX Bicutan Public Market sa naturang lungsod.
Nabatid na lumapit ang ina ng mga bata sa security guard na si Gildeon Lucendo, bantay sa pamilihan, at nagmakaawa ito na ang sekyu na ang bahala sa kanyang mga anak dahil sa hindi na niya kayang buhayin.
Mabilis umanong umalis ang ginang na hindi na nahabol ni Lucendo.
Dahil sa mahirap din, ipinasya ni Lucendo na dalhin ang dalawang paslit sa himpilan ng RPSB NCRPO Alpha Company na nakipag-ugnayan naman sa Police Community Precinct 3 ng Parañaque City Police para sa angkop na kustodiya sa mga bata.
Sa pamamagitan naman ng PCP 3, naihatid ang dalawang paslit sa lokal na DSWD ng San Martin de Porres sa naturang lungsod na siya na ngayong nangangalaga sa mga ito kasama ang iba pang mga batang palaboy at mga abandonado.
- Latest
- Trending