16 na 'tiktik' ng PDEA, tumanggap ng pabuya
MANILA, Philippines - Labing-anim na impormante ang binigyan ng kabuuang P4.6 million cash ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang pabuya dahil sa matagumpay na pagkakabuwag sa ilang shabu laboratoryo at pagkakadakip sa mga itinuturing na malalaking ‘isda’ o mga taong sangkot sa operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Kinilala ni PDEA Director General Jose S. Gutierrez, Jr. ang 16 na impormante sa mga alyas na Mariam, Boy, Nora, Lando, Swako, Kani, Rox, Danica San Miguel, Totoy, Alex Chow, Aries, Tubo, Isay, Chipmunks, Pajero at Paro-Paro.
Ayon kay Gutierrez, ang naturang mga impormante ay naging giya ng kanilang tanggapan para maging matagumpay ang operasyon ng binuong PDEA Operation Private Eye (OPE, isang paraan ng pagbibigay pabuya ng kagawaran para mahikayat ang mga mamamayan na magbigay-impormasyon hingil sa mga pinaghihinalaang gumawa ng iligal na aktibidad sa droga, sa kanilang komunidad.
Ang Private Eye Rewards Committee ay kinabibilangan ng mga miyembro mula sa academe, non-government organizations, law enforcement, religious at business sectors, na nag-apruba ng resolusyon na magbibigay ng kabuuang P4,657,232.97 monetary rewards sa 16 na impormante.
Sa mga tumanggap ng gantimpala, tanging ang impormanteng si Maram ang nakatanggap ng pinakamalaking reward na aabot sa P1 million dahil sa pagkakadiskubre ng isang laboratory at pagkakadakip sa ilang Tsinoy sa Muntinlupa nitong pagpasok ng taong 2012.
- Latest
- Trending