Tsinoy na financier ng ilegal na droga, timbog
MANILA, Philippines - Isang Tsinoy na sinasabing financier ng operasyon ng iligal na droga at isang babae ang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Parañaque police sa aktong pagbebenta ng mahigit 6,000 piraso ng mga ipinagbabawal na tabletas na Valium at Mogadon sa Parañaque City.
Nakilala ang mga nadakip na sina Joel Ng at Marylou Gumban, residente ng Pasay City na sinasabing dealer naman ng naturang mga ipinagbabawal na gamot.
Sa pagtaya naman ni PDEA Metro Manila Regional Office Director Wilkins Villanueva, aabot sa halos P.6 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang gamot sa mga suspect nang isagawa ang buy-bust operation sa L.C. Gatches St., kanto ng Kalaw St., sa Brgy. BF, Parañaque City.
Pinasalamatan naman ni Parañaque police chief Sr. Supt. Billy Beltran si PDEA Director General Jose S. Gutierrez Jr. sa maigting na pagtulong sa kanilang kampanya sa iligal na droga sa kanilang lungsod.
Nakaditine ngayon ang dalawang suspek sa PDEA Detention Cell sa Quezon City at nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest
- Trending