Metro Manila hindi tinantanan ng baha
MANILA, Philippines - Hindi pa rin tinantanan ng mataas na tubig-baha ang malaking bahagi sa Metro Manila dahil sa patuloy na malakas na pag-uulan dala ng bagyong Gener at ng namataan na namang low pressure area (LPA), kahapon.
Dahil din dito, maraming paaralan din ang muling nagsuspinde ng klase dahil sa masamang panahon.
Ikalawang alarma itinaas sa Marikina river
Muling nalagay sa panganib ang mga residente ng Marikina makaraang nasa 507 katao na naninirahan sa tabi ng Marikina river ang inilikas matapos na muling umakyat sa 2nd alarm ang antas ng tubig dulot ng patuloy na malakas na ulan kahapon.
Dakong alas-10:10 ng umaga nang itaas sa ikalawang alarma sa lungsod makaraang tumaas sa 16.2 metro “above sea level” ang tubig sa ilog base sa water gauge nila sa Marikina Bridge sa Brgy. Sto. Niño.
Ang 1st alarm ay itinataas kapag ang antas ng tubig ay umabot na sa 15 meters above sea level; itataas ang 2nd alarm kapag ang antas ng tubig ay umabot sa 16 meters above sea level; at itataas ang 3rd alarm kapag ang tubig ay umabot na sa 17 meters above sea level. Kapag umabot na sa 18 meters above sea level itinuturing na nasa critical level ang antas ng tubig sa Marikina River. Ipatutupad na ang forced evacuation sa mga residente na nasa mabababang lugar sa lungsod.
Kinansela rin kahapon ang klase sa preschool, elementarya, at sekondarya sa lahat ng pampubliko at pampribadong paaralan sa lungsod.
Muli namang nagsiksikan ang nasa 96 pamilya sa Buleklak covered court sa Brgy. Malanday makaraang mag-umpisang bumaha na sa kanilang mga lugar.
Nagsuspinde naman ng panghapong klase mula “pre-school hanggang high school” ang pamahalaang lungsod ng Makati dahil sa sama ng panahon kahapon.
Roxas Boulevard nagmistulang dagat
Isinara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang southbound lane ng Roxas Boulevard dahil sa mataas na tubig na dinala ng malalaking alon mula sa Manila Bay.
Bukod pa sa walang humpay na malakas na pag-ulan, ay sumabay pa ang high tide na lalong nagpataas sa tubig na naipon mismo sa kalsada ng Roxas Blvd. na nagsimula sa Kalaw hanggang sa Quirino Avenue at hanggang sa Raja Sulayman.
Pinasok din ng tubig ang mga establisimento na malapit dito.
Bukod sa tubig, sumama pa ang sangkaterbang mga basura na dinala ng alon at humampas din sa sea wall na lalong nagpahirap sa mga motorista para madaanan. Dahil dito, matinding trapik din ang dinanas ng mga motorista.
Malaking bahagi ng CAMANAVA area, binaha
Nalubog din sa tubig-baha ang malaking bahagi ng CAMANAVA area (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) sanhi ng magdamag na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Gener at sinabayan pa ng hightide.
Sa Malabon City ay mahigit sa 500 pamilya ang inilikas sa mga evacuation center mula sa mga barangay ng Potrero, Tenajeros, Catmon, Ibaba, San Agustin, Tañong, Longos, Panghulo, Dampalit, Niyugan, Maysilo at Conception.
Suspendido na rin ang klase sa lahat ng paaralan, mula sa preschool hanggang kolehiyo mapa-pribado o pampubliko sa naturang lungsod.
Umabot naman sa 600 pamilya sa Navotas City ang inilikas patungo sa mga evacuation center na nagmula sa mga barangay ng Tangos, San Roque, Sipac, Navotas West, Bagumbayan South, Bangkulasi at NBBS matapos lumubog sa tubig-baha ang mga naturang barangay.
Kinansela rin ang mga klase dito mula sa pre-school hanggang high school at ilang paaralan sa kolehiyo pribado o pampubliko man base na rin sa derektiba ni Mayor John Rey Tiangco dahil sa baha.
Napag-alaman, na tinatayang nasa 60 pamilya naman ang inilikas sa mga evacuation center sa Valenzuela City mula sa mga barangay ng Pasolo, Poblacion, Pariancillo Villa, Dalandanan, Bisig at Balangkas kung saan wala pa rin pasok sa halos lahat ng mga eskuwelahan dito.
- Latest
- Trending