MANILA, Philippines - Masuwerteng nakaligtas sa kamatayan ang isang babae na nagtamo lamang ng bukol sa ulo matapos na magtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-limang palapag ng isang condominium unit dala ng depresyon sa lungsod Quezon, kahapon.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, nakilala ang biktima na si Mary Joselyn Basillio, 22, na idineklarang ligtas na sa kamatayan matapos na walang makitang anumang pinsala sa kanyang katawan ng dalhin sa Commonwealth Hospital.
Nangyari ang insidente sa may Smile Citihomes, Brgy Kaligayahan sa lungsod pasado alas-10 ng umaga.
Ayon sa tatay ng biktima, bago ang insidente ilang araw na umano nilang napapansin na malungkot ang anak dahil sa depresyon matapos na sisihin ng mga magulang umano ng kanyang dating boyfriend na nagpakamatay.
Matapos nito ay nakitulog umano ang biktima sa bahay ng kanyang kaibigan na si Danly Martinez na nakatira sa nasabing condo, hanggang sa mangyari ang nasabing pagtalon. Sinasabing sa pagtalon ng biktima ay bumagsak ito sa bubungan ng isang kotse na ugat ng kanyang natamong bukol.
“Sa napakataas ng tinalon niya, madalang na lang ang hindi nagkakabali sa katawan masuwerte siya at bukol lang sa ulo yung sa kaniya,” pahayag ng ama ng biktima.