Karambola ng 7 sasakyan, 7 sugatan
MANILA, Philippines - Pito katao ang iniulat na nasugatan, makaraang araruhin ng isang nawalang kontrol na bus ang anim pang sasakyan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa lungsod Quezon sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan kahapon.
Ayon sa inisyal na ulat ng Quezon City Police Traffic Sector 5, ang mga nasabing biktima ay agad na isinugod ng mga rescue team mula sa MMDA at local na pamahalaan sa East Avenue Medical Center para malapatan ng lunas sa tinamong mga sugat sa kanilang mga katawan.
Kinilala ni PO2 Allan Florendo ng TS-5, ang mga sugatan na sina Jemma Busog, 23; Joseph Manalo, 38; Richard Ortega, 38, at asawang si Myla Ortega, 36; Cesar Acla, 39; Grace Picoro, 40, at kaanak na si Joseph Picorro, 33. Ang mga sangkot na sasakyan ay kinabibilangan ng isang pampasaherong bus na Original Transport; dalawang tricycle; isang Montero; isang pick up; isang public utility vehicle; at isang tow truck.
Ayon kay Florendo, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Commonwealth sa panulukan ng Winston St., ganap na alas- 11:30 ng umaga. Binabagtas umano ng Original Transport bus na minamaneho ni Paquito Sevilla, 54, nang biglang mawalan ito ng preno at kontrol sa manibela bago tuluyang sinuyod ang mga naturang sasakyan na nakahinto sa nasabing kalsada bunga ng trapik.
Sa tindi ng karambola, nawasak ang bahagi ng mga naturang sasakyan kung saan nasugatan ang mga biktima na sakay ng PUJ, motorsiklo, bus at bisekleta. Nagdulot din ng pagsisikip ng daloy ng sasakyan sa nasabing lugar bunga ng nasabing insidente. Sa kasalukuyan, hawak na ng TS-5 ang driver ng bus habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.
- Latest
- Trending