MANILA, Philippines - Patung-patong na kaso ang isinampa ng Manila Police District laban sa dalawang miyembro ng Commando gang na naaresto habang nagsasagawa ng “Oplan Sita” at saka nangotong sa panulukan ng Laong-laan at Lacson Sts., sa Sampaloc, Maynila, iniulat kahapon.
Kinilala ni MPD-Station 4 commander P/Supt. Rolando Balasabas ang mga suspect na sina Rommel Quadro, 41, miyembro ng Commando gang, at Arnold Aguirre, 36.
Kasong paglabag sa Republic Act 8294 o illegal possession of firearms and ammunition, Article 177 ng Revised Penal Code o Usurpation of Authority ang kinakaharap ng dalawang suspect. Bukod dito, kakasuhan din ng paglabag sa RA 4136 o Driving Without License at Driving Motorcycle without Crash Helmet.
Batay sa ulat, dakong alas- 10:20 ng gabi nang may tawag na natanggap ang nasabing presinto hinggil sa dalawa umanong pulis na nakatayo at nangongotong sa panulukan ng Laong-Laan at Lacson Sts., sa Sampaloc.
Agad inalam kung may nai-dispatch na tauhan ang naturang opisyal hinggil sa isinasagawang “Oplan Sita” sa lugar at nang matukoy na wala ay agad itong nirespondehan. Dito nakita ng mga awtoridad ang dalawang nadakip na nakasuot ng PNP athletic t-shirt at police cap ang isa at ang isa ay nakasuot ng itim na t-shirt na may tatak na “Manila Police District” at nakasuot din ng police cap at kapwa may nakasukbit na baril sa beywang.
Habang papalapit ang mga tauhan ni Balasabas ay tumakas sakay ng Yamaha MIO UE-2651 ang dalawa subalit nakorner sila sa panulukan ng Lacson at Dapitan Sts.
Kinapkapan at nakuhanan ng tig-isang baril ang dalawa na nadiskubre ring hindi mga tunay na pulis. Umamin ang dalawa na nangongotong sila sa nasabing lugar.
Sa beripikasyon, natukoy na sangkot din sa serye ng carnapping ang dalawa at ang dalang Yamaha MIO ay lumabas na carnapped vehicle.