42 bahay inararo ng 2 barge, wasak
MANILA, Philippines - Nawasak ang may 42 kabahayan na tinutuluyan ng mahigit 100 pamilya nang hampasin ng dalawang nakalas na barge bunga ng malakas na hangin, malaking alon at malakas na ulan dala ng bagyong si Gener, kamakalawa ng gabi sa bahagi ng Happyland sa Capulong St., Tondo, Maynila.
Sinabi ni Manila Department of Social Welfare chief, Jay dela Fuente na dahil yari lamang sa kahoy at yero ang maliliit na kabahayan, nasira ito sa paghampas ng dalawang barge na kapwa may habang 50-feet at lapad na 15-feet, alas-11:00 ng gabi nitong nakalipas na Linggo sa kasagsagan ng bagyo.
Mabilis namang inilikas ng grupo ni Dela Fuente ang mga apektadong pamilya sa covered court na sakop ng Barangay 105.
Wala namang nasugatan o nasaktan sa paghampas ng barge dahil naabisuhan na rin nang maaga ang mga residente na delikado sa kanilang lugar, gayunman wala na silang binalikang mga bahay.
Inatasan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim si Dela Fuente na pagkalooban ng makakain, damit, at financial assistance ang apektadong mga pamilya.
Bukod aniya sa nasirang mga kabahayan, ang maliliit na bangkang de sagwan ng mga residente na gamit sa pangingisda ay nawasak din ng dalawang barge.
Ang dalawang barge ay may body number o markings na ASC-201 at ASC 205 na pag-aari ng Asian Shipping Corp.
- Latest
- Trending