MANILA, Philippines - Dahil na rin sa sunud-sunod na insidente ng pamamaril sa mga barangay officials, naniniwala ang Manila Barangay Bureau (MBB) na makakatulong na mabawasan ang krimen sa lungsod sa itatatag na Barangay Network System.
Ayon kay MBB director, Atty. Analyn Buan, sa programa ni Manila Mayor Alfredo Lim, itatatag ng MBB ang grupo kung saan pupulungin ng zone chairman ang kanyang mga barangay chairman na siya namang magpapatrolya sa mga kinasasakupang mga barangay.
Sinabi ni Buan na ang bawat grupo ay kinabibilangan ng barangay chairman, mga tanod at kagawad kung saan 24 oras na maghahati sa pagpapatrolya ang mga ito sa kanilang sona.
Bagama’t nais ng MBB na kumuha o magrecruit ng iba pang magpapatrolya, wala naman umanong sapat na pondo para sa mga ito. Sa katunayan umano ang mga tanod ay mga volunteers lamang.
Bunsod nito, sinabi ni Buan na plano din ng city government na bigyan ng insurance ang mga kagawad at walong tanod ng bawat barangay dahil nasa panganib ang mga buhay ng mga ito.
Samantala, sinabi din ni Buan na lumilitaw naman na may personal na galit si Bgy. Chairman Jonathan Florendo sa principal ng Ramon Magsaysay High School kung kaya’t ayaw niyang magbigay ng kanyang tanod na magpapatrolya sa lugar.
Ang paglalagay ng tanod ng bawat barangay sa nasabing paaralan ang naging ugat ng away nina Florendo, 50 at Cha. Hilario Romano, 56, noong Hulyo 21 sa barangay hall ni Cha. Ruben Peña.
Sinabi ni Florendo na hindi siya magbibigay ng kanyang tanod para sa naturang paaralan na ikinagalit ni Romano hanggang sa humantong sa pamamaril ng una sa huli.
Hinihintay na lamang ni Buan ang record ng korte upang masampahan ng kaso administratibo si Florendo.