MANILA, Philippines - Nasamsam ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa anim na pharmaceutical outlets ang mga pekeng branded na gamot sa magkakasabay na raid na isinagawa nitong nakalipas na linggo.
Kabilang sa sinalakay ng NBI ang Rockwell Pharmaceuticals, na pag-aari ng isang Cathy Young na matatagpuan sa M.C. Briones Highway, Mandaue City, Cebu;1 and A Pharmacy and General Merchandise, na pag-aari ng isang Lawrence A. Sabellano, sa Cebu South Road, Tabunok, Talisay, Cebu; Bing Pharmacy, na pag-aari ng isang Gabriela Lumapas, sa Consulacion Public Market, Consulacion, Cebu; Jacob Pharmacy, ng isang Marilyn V. Indino, sa Rizal St., Poblacion, Danao City, Cebu; Best for Life Pharmacy and General Merchandise, ni Thelma Y. Campomanes sa Cebu South Road, Tabunok, Talisay City, Cebu; at Teekay Pharmacy and General Merchandise, ng isang Edilbertha H. Cerdan, sa loob ng Public Market, Poblacion, Campostela, Cebu.
Nag-ugat ang raid nang padalhan ang NBI ng liham mula sa Armadillo Protective Security Agency,. Inc. Kinatawan ng United Laboratories, Inc. (UNILAB) na humihiling na paimbestigahan ang gumagawa at nagpapakalat ng pekeng UNILAB products.
Sa bisa ng anim na search warrants na inisyu ni Makati RTC Judge Joselito C. Villarosa ng Brgy. 66, isinagawa ang raid.
Kahun-kahong assorted na pekeng Unilab products na kinabibilangan ng Biogesic, Bioflu, Medicol Advance, Alaxan FR, Neozep Forte, at iba pa ang nasamsam sa nasabing operasyon.