Manila, Philippines - Maaaring makulong at magmulta ang sinumang pet owners na hindi iparerehistro ang kanilang mga alagang hayop tulad ng aso, pusa, ibon at iba pa sa Quezon City Health Department’s Veterinary Services Division (VSD) sa pagitan ng Enero 1 at Marso 31 taun-taon.
Ayon kay Quezon City Mayor Herbert Bautista, layunin nito na mapabakunahan ang mga alagang hayop para na rin sa kapakanan at kalusugan ng mga may-ari nito mula sa pagkalat ng rabies.
Una nang nilagdaan ni Mayor Bautista ang ordinance 2155 series of 2012 o ang “Quezon City Comprehensive Rabies Prevention and Control Ordinance,” na nananawagan na magkaroon ng mass registration at vaccination ng domesticated animals, pagtatayo ng isang data system para sa mga registered pets, pag-impound sa mga unregistered at unvaccinated na hayop at information campaign para masawata at mapigil ang pagkalat ng kaso ng rabies sa lungsod.
May registration fee sa kada hayop ng P100 at saka bibigyan ang may-ari ng registration card na may trace number at isang tag na dapat ilagay sa pet collar kapag ito ay inilabas ng bahay.
Nakasaad din sa ordinansa na dapat ireport ng pet owners kung ang kanilang hayop ay dapat na ipatingin sa beterinaryo para sa rabies symptoms.
Kapag namatay ang alagang hayop sa loob ng 14 na observation period, dapat ibigay ng may-ari ang cadaver ng alaga para sa laboratory examination.