Manila, Philippines - Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya kung pinatay ba o nagpakamatay ang isang guro matapos na matagpuan ang bangkay nito na may tama ng bala sa ulo kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Elton John Roa, tinatayang nasa 42 hanggang 45-anyos, isang Information Technology (IT) teacher, nakatira sa Baltazar Bukid, 10th Ave., ng nasabing lungsod.
Ayon kay P02 Enrique Pangan, ng Station Investigation Division (SID), Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-5:00 ng umaga habang nasa labas ng bahay ang kapitbahay ng biktima na si Ayer Amer Nera upang bumili ng almusal nang mapansin nito ang sariwang dugo na tumutulo mula sa tinutuluyang bahay ng guro.
Agad ipinaalam ni Nera sa iba pa nilang kapitbahay ang insidente, na naging dahilan upang puntahan ang bintana ng bahay ng biktima para silipin si Roa sa loob.
Laking gulat ng mga ito nang makita sa loob ang biktima na duguang nakahandusay kaya kaagad nila itong ipaalam sa mga pulisya.
Tama ng bala sa ulo ang sinasabing dahilan ng kamatayan nito habang natagpuan din sa tabi nito ang isang improvised shotgun. Patuloy namang nagsasagawa nang masusing imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy kung sadyang pinatay o nagpakamatay ang biktima.