Manila, Philippines - Bulagta ang dalawang miyembro ng ‘akyat bahay gang’ makaraang lumaban at makipagbarilan sa mga pulis sa San Juan City, kahapon ng madaling-araw.
Hindi pa batid ang pangalan ng dalawang napatay na suspek na tinatayang nasa edad na 25-30, 5’2’’-5’3’’ ang taas, kayumanggi ang kulay at armado ng kalibre 38 revolver.
Ayon kay PO2 Ricardo Interno Jr., ng San Juan police, nagsasagawa sila ng routine patrol sa Brgy. Tibagan sa kanto ng Don Ejercito St., ganap na alas-3:20 ng madaling-araw nang humingi sa kanila ng tulong ang isang residente sa lugar na umano’y pinasok ng mga suspek ang kanyang bahay.
Agad namang nagresponde ang grupo ni PO2 Interno kung saan nakita ang dalawang suspek sa loob ng isang automotive repair shop ng isang Ley Suarez kaya sinita nila ang mga ito, pero agad umanong bumunot ng baril at pinaputukan ang mga awtoridad dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta na pagkamatay ng dalawang suspek habang ang isa nilang kasama na sinasabing look-out sa labas ng tahanan ay mabilis na nakatakas sakay ng isang motorsiklo.
Narekober ng pulisya sa tabi ng mga suspek ang isang kalibre 38 na baril at patalim.