Mag-asawang Columbian, inireklamo ng panggugulpi

Manila, Philippines - Bumagsak sa istasyon ng pulisya ang mag-asawang Columbian national makaraang ireklamo ng isang menor-de-edad na Pinoy ng panggugulpi sa kanya, kahapon sa Taguig City.

Nahaharap ngayon sa kasong child abuse ang mag-asawang sina Jorge Roman, 45-at asawang si Viviana Orozco, 39, kapwa naninirahan sa Unit 1408 Bellagio Tower 1, Burgos Circle, Global City Fort Bonifacio, ng naturang lungsod.

Inaresto ang mag-asawa sa loob ng kanilang condo unit dakong alas-11 kahapon ng tanghali makaraang ireklamo ng 17-anyos na biktima.

Sa ulat ng Taguig City Police, nahuli sa akto ng mag-asawang dayuhan ang biktima kasama ang anak nilang dalaga sa loob ng isang nakaparadang kotse sa tapat ng Global University Parkway kamakailan.

Dahil sa tutol sa relasyon ng dalawa, galit umanong pinagtulungang gulpihin ng mag-asawa ang binatilyong Pinoy na nagsampa naman ng kaso sa Taguig City Regional Trial Court. Nagpalabas naman ng warrant of arrest ang korte laban sa da­lawa sanhi ng pagkakaaresto sa mga ito.

Inaasahan naman na agad ring makakalaya ang mag-asawang Columbian sa paglalagak ng inilaang P160,000 piyansa.

Show comments