Manila, Philippines - Isang lalaki ang nasawi makaraang maipit sa loob ng natutupok niyang bahay matapos sumiklab ang malaking sunog na lumamon sa higit sa 100 kabahayan, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Sunog na sunog ang bangkay ng 51-anyos na biktimang si Marcelino Sobrevega nang matagpuan ito ng mga bumbero kahapon ng umaga sa loob ng kanyang bahay sa may kanto ng 4th at 29th Sts. sa Brgy. 183, Villamor, Pasay.
Sa ulat ng Pasay Fire Department, dakong alas-11:25 kamakalawa ng gabi nang sumiklab ang apoy sa loob ng bahay ng mga Sobrevega nang matumba umano ang nakasinding kandila at agad na kumalat sa buong kabahayan.
Nabatid sa kapatid ni Marcelino na si Jimmy na unang nakipag-inuman ang kanyang utol sa mga kapitbahay saka umakyat ng ikalawang palapag ng bahay upang matulog.
Marahil umano sa sobrang kalasingan, hindi na nito nagawang magising kahit na nagliliyab na ang bahay.
Mabilis ring kumalat ang apoy sa mga karatig-bahay kung saan tinatayang 100 pamilya ang apektado makaraang umakyat ang sunog sa ikatlong alarma bago tuluyang naapula dakong alas-12:30 na ng madaling-araw.
Tinataya namang aabot sa P.5 milyong halaga ng ari-arian ang natupok sa naturang insidente.