MANILA, Philippines - Butas ang bungo ng isang babaeng security guard makaraang barilin ng hindi nakikilalang salarin sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay PO2 Rhic Pittong, nakilala ang biktima na si Jennifer Tarnate, security guard sa isang Avon outlet na matatagpuan sa Quirino Highway, corner Jordan Plains Novaliches sa lungsod.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng suspect na nakasuot ng kulay orange na jacket nang gawin ang naturang pamamaslang.
Nangyari ang insidente sa kahabaan ng Quirino Avenue, Brgy. Sta. Monica, ganap na alas-9 ng gabi habang naglalakad ang biktima papauwi nang sumulpot mula sa likuran nito ang suspect at bigla siyang barilin sa ulo.
Dead-on-the-spot sa lugar ang biktima na naka-uniporme pa nang mangyari ang pamamaril, habang ang suspect ay mabilis namang tumakas patungo sa hindi mabatid na direksyon.
Ayon kay Pittong, base sa kanyang pagtatanong sa mga kakilala ng biktima, dati umanong may manliligaw ang biktima at madalas na sinusundo ito sa kanyang trabaho.
Subalit, ilang linggo ang nakalipas ay hindi na nagpakita pa ang lalaki matapos na umano’y bastedin ng nasawi.
Ang naturang anggulo, dagdag ni Pittong ang kanila ngayong tinututukan na posibleng motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima.